Himalang nakaligtas sa pananambang ang isang kapitan ng barangay matapos na ratratin ng bala ng hindi pa nakikilalang suspek ang kanyang sasakyan sa Barangay Poblaciuon, Leyte, Leyte, noong Linggo, Setyembre 25.

Nakilala ang biktima na si Edgar dela Rosa, 52, kapitan ng Barangay Baco sa nasabing munisipalidad.

Batay sa ulat ng PNP, naganap ang insidente dakong 5:00 ng hapon sa Mabini street, Barangay Poblacion.

Minamaneho umano ng biktima ang kanyang pickup truck pauwi sa kanilang bahay sa Barangay Baco nang tambangan ng suspek na lulan ng motorsiklo.

Ayon sa ulat, tinadtad ng bala ng suspek ang sasakyan bago tuluyang tumakas patungo sa direksyon ng Barangay Sambulawan.

Masuwerte namang hindi tinamaan ang biktima dahil agad itong nakayuko dumapa sa loob ng sasakyan kaya’t tanging gasgas lamang ang tinamo ng kanyang balikat at kili-kili.

Narekober mula sa pinangyarihan ng krimen ang 10 basyo ng bala ng 9mm pistol. Sa kasalukuyan. Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng puliysa upang bigyang linaw ang insidente.

Ulat ni Baronesa Reyes