Anim na miyembro ng New Peoples Army (NPA) ang nasawi sa pakikipagbakbakan sa puwersa ng militar noong Huwebes, Setyembre 21, sa Kabankalan City, Negros Occidental.
Batay sa ulat ng 302nd Infantry Brigade, nakilala ang lima sa mga nasawi na sina alyas “Bravo” o “Peter,” squad leader; asawa nitong si Diane; isang alyas “Goriang”; medic na si alyas “Recoy,” vice squad leader ng Squad 3 at alyas “Brendo”, vice squad leader ng Squad 2.
Sa inisyal na ulat, naganap ang bakbakan sa Sitio Lubi, Barangay Tabugon , Kabankalan City, Negros Occidental.
Nakatanggap umano ng ulat ang mga tauhan ng 47th Infantry Battalion (IB) hinggil sa ginagawang pangnanakot ng grupo ng mga rebelde sa mga komunidad.
Agad namang nagtungo ang tropa ng militar sa lugar at naka-engkwentro ang mga rebelde. Tumagal ng ilang minuto ang bakbakan na nagresulta sa pagkasawi ng anim na rebelde habang wala namang namatay sa panig ng mga sundalo.
Napag-alaman na ang mga nasawing rebelde ay pawang mga kasapi ng South West Front , Komiteng Rehiyon- Negros , Cebu , Bohol, Siquijor.
Narekober mula sa pinangyarihan ng bakbakan ang apat na .45 kalibre ng baril, isang hand grenade, isang .38 caliber revolver, medical paraphernalia, personal na gamit at subversive documents.
Ulat ni Baronesa Reyes