Isang 13-anyos na binatilyo ang nasawi matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa Villasis, Pangasinan noong nakaraang linggo.
Sinabi ng pulisya na ang biktimang si Charles Edward Serquiña, ay nagtitinda ng balut kasama ang kanyang ina na si Carina Serquiña, sa Barangay Puelay nang lapitan ng gunman na sakay ng motorsiklo ang dalawang biktima bago pinagbabaril si Charles.
Idineklarang dead on the spot si Charles ng mga imbestigador.
Sinabi ni Carina na walang kaaway ang kanyang anak at nag-iipon ito ng pera para makapag-enroll siya sa paaralan.
“Wala po [kaming alam] kasi nagtitinda lang kami ng balut. Gabi-gabi po kasi may lamayan sa tabi ng bahay namin,” kuwento ni Carina ng nakapanayam ang TeleRadyo Serbisyo.
Sinabi ng Villasis Municipal Police Station chief na si P/Maj. Glenn Dulay, ang pagkamatay ni Charles ay maaaring isang kaso ng mistaken identity kasunod ng mga ulat na nagkaroon ng kaguluhan sa wake sa pagitan ng dalawang tao bago naganap ang pamamaril.
Maaaring napagkamalan umano si Charles na siya ang target na naroroon din sa wake. “Si Charles Edward baka napagkamalan lang po,” saad pa ni Dulay.