Tatlong katao, kabilang ang dalawang pulis at isang sibilyan, ang inaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) matapos na ireklamo ng pangongotong ng halagang P1.3 milyon kada buwan mula sa isang transport group sa Bacoor City.
Kasunod nito, iniutos ni PNP Chief General Benjamin Acorda ang pagsibak sa puweso kay Bacoor City Police Office Chief Lt. Colonel Ruther Saquilayan dahil sa command responsibility.
Kinilala ng CIDG ang mga naaresto na sina S/MSgt. Joselito Bugay at SSgt. Dave Gregor Gawaran, pawang mga nakatalaga sa Bacoor City Police Office.
Arestado rin ang sibilyang kasabwat ng mga pulis na nakilalang si John Louie de Leon habang nakatakas naman si Edralin Gawaran, leader ng Bacoor Traffic Management Department ng Bacoor City.
Ayon kay Acorda, ang tatlo ay naaresto sa isang entrapment operation sa Barangay Molino.
Na-recover mula sa mga suspek ang tatlong armas at iba’t ibang bala.
Nag-ugat ang operasyon laban sa mga suspects sa reklamo ng local transport leaders at local government ng Bacoor City kaugnay ng illegal na gawain na kinasasangkutan ng mga pulis.
Ayon sa reklamo, humihingi ang mga suspek ng P170,000 protection money kada buwan mula sa mga transport groups sa lungsod.
“It is estimated that they amassed around P1.5 million per month, with an average of P170,000 per transport group. The police officers allegedly used threats to coerce drivers and transport leaders into providing these payments, which were supposedly intended for officials of the Bacoor traffic management department and other individuals involved,” ayon kay Acorda.
Ulat ni Baronesa Reyes