Patay ang empleyado ng isang local government unit (LGU) matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa tapat ng hospital kung saan nanganak ang asawa ng biktima nitong Martes ng hapon sa Echague, Isabela.

Nakilala ang biktima na si Kendrick Pera, 29, empleyado ng San Isididro Municipal Office at residente ng naturang lugar.

Batay sa ulat ng Echague PNP, naganap ang insidente dakong 4:45 ng hapon sa entrance ng Southern Isabela Specialist Hospital sa Barangay Ipil, sa naturang bayan.

Napag-alaman na nagtungo ang biktima sa hospital upang ilabas sana ang kanyang misis na nanganak.

Gayunman, hindi pa man nakakapasok sa hospital ang biktima ay sinalubong ito ng suspek bago pinagbabaril.

Dead on the spot ang biktima bunga ng maraming tama ng bala sa katawan habang mabilis namang tumakas ang suspect lulan ng isang itim na motorsiklo.

Ulat ni Baronesa Reyes