Inirekomenda ng Senate Committee on Ways and Means ang tuluyang pagpapatalsik ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa para mapanatili at mapangalagaan ang kapayapaan at kaayusan, at matiyak ang paglago ng pambansang ekonomiya.
Sa Committee Report No. 136 na nilagdaan nina Senador Sherwin Gatchalian, Ronald “Bato” dela Rosa, JV Ejercito, Grace Poe, Risa Hontiveros, Pia Cayetano, Raffy Tulfo, Loren Legarda, Majority Leader Joel Villanueva, at Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III, iminumungkahi ng mga ito na magpasa ng resolusyon para tuluyang ipatigil ang operation ng POGO sa Pilipinas na wala naman daw naidudulot na mabuti sa mamamayan.
“Isa itong mahalagang hakbang para mapigilan ang paglaganap ng krimeng nagmumula sa ilang kumpanya ng POGO. Inaasahan natin na maabot ang ating layunin na mapanatili ang kaayusan sa bansa, na siyang magdudulot ng paglago ng ating ekonomiya,” pahayag ni Gatchalian, chairman ng komite.
Bukod sa pagpapalayas sa POGO, iminungkahi rin sa naturang ulat ang paghihiwalay sa regulation and operation functions sa charter Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Ibig sabihin, may isang bagong ahensiyang bubuuin, para tumutok sa pagbibigay ng permit at regulasyon ng mga pasugalan sa bansa samantalang mananatiling gambling operator naman ang PAGCOR.
Ayon naman kay Poe, nasa tamang direksyon ang gobyerno, pagdating sa paghihiwaly ng functions ng PAGCOR bilang regulator at operator ng mga pasugalan sa bansa.