Humirit ng ₱3 taas-presyo ang Canned Sardines Association of the Philippines (CSAP) para sa kanilang produkto dahil tumataas na rin ang gastusin sa produksiyon nito.
Ayon kay CSAP Executive Director Francisco Buencamino, nasa ₱3 ang gusto nilang ihirit sa presyo ng de-latang sardinas dahil sa patuloy na pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo at hirap ding makakuha ng isda sa bansa.
Nilinaw rin ni Buencamino na tama lamang ang ₱3 taas sa presyo ng de-latang sardinas dahil ibabalik lang nito sa dating presyo ang produkto bago magpatupad ang Department of Trade and Industry (DTI) ng price cap sa sardinas.
Aniya, napakamahal ng gastos sa pangingisda ngayon bunsod ng pagtaas ng krudo.
“Ang fuel is a major cost sa amin because you catch sardines by vessels. You don’t swim to catch the fish. You catch them by vessel, which uses fuel,” ani Buencamino sa panayam sa kanya ng TeleRadyo serbisyo nitong Setyembre 21.
Isa ring factor ng pagtaas ng presyo ng paggawa ng sardinas ay ang nagdaang pandemya na kung saan nagkasunud-sunod ang lockdown at nagpatupad ng social distancing kung kaya, maliit ding bilang ng kanilang manpower ang nakakapasok sa mga pabrika.
“Mga tao, manpower natin, nagkawatak-watak na. Nag-resign o lumipat ng trabaho and we cannot get them back. The sardine industry is very labor-intensive,” paliwanag ni Buencamino.