Hindi magawang makapangisda ng mga Pilipinong mamamalakaya sa karagatang sumasakop sa Scarborough Shoal dahil patuloy silang hinaharang at dinarahas ng Chinese Coast Guard (CCG) na nakadestino sa lugar.
Sa ulat ng ANC, sinabi ng mga mangingisda mula Zambales na masama ang kanilang loob dahil hindi man lamang sila makapangisda sa karagatang na dati naman nilang napangingisdaan.
“Maraming Chinese vessel doon, malapit sa bukana. May mga nakaangkla pa nga roon, maliban pa yong nasa labas, mga nagpapatrulya,” ayon sa isang mangingisda na itinago sa pangalang “Rey.”
Matatagpuan ang Scarborough shoal, 120 nautical miles o 222 kilometro lamang mula sa baybayin ng probinsiya ng Zambales, at sakop ng 220 nautical mile na exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Ayon sa New Masinloc Fisherman’s Association (NMFA), nagmimistula tuloy mga magnanakaw ang mga mangingisdang gustong mangisda sa lugar.
“Kapag hindi ka umalis, ibinababa nila iyong mga rubber boats mula sa kanilang barko at ito iyong ginagamit nilang pampatrol at mayroon po silang dala, hawak-hawak na mga armas. Nandiyan din ang kanilang barko, na nakaabang iyong water cannon. Isang bugahan po lamang ng kanilang water cannon, lubog po iyon pong ating bangka,” paliwanag ni NMFA president Leonardo Cuaresma.
Ayon pa kay Cuaresma, dati-rati, nakatatabi pa sila sa shoal kapag masama ang panahon at malalakas ang alon. Pero ngayon, hindi sila makapasok mismo sa Bajo de Masinloc dahil hinaharang sila ng CCG.
Siniguro naman ng Philippine Coast Guard (PCG) ang presensiya nito sa lugar ng Scarborough Shoal, pero aminado ang PCG na hindi ito permanente.
“Two weeks ago, the Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), together with NICA (National Intelligence Coordinating Agency) and of course, the Coast Guard, we’re able to patrol [in] that area,” sabi ni PCG Spokesperson for West Philippine Sea, Commodore Jay Tarriela.
“We have rotational deployment of our vessels, together with BFAR, in Bajo de Masinloc,” ani Tarriela. “But it’s partly true that it’s not every time, we can find Coast Guard and BFAR vessels in Bajo de Masinloc,” aniya.