Patay ang isang 45-anyos na magsasaka habang sugatan naman ang pamangkin nito matapos na makuryente sa Barangay Mangahan, Mulanay, Quezon.

Nakilala ang nasawing biktima na si Edwin Pereyra habang isinugod naman sa pagamutan ang kanyang pamangkin na nakilalang si Angelo Gacula pawang mga residente ng Barangay Mangahan.

Batay sa ulat ng Mulanay Police, naganap ang insidente nitong Lunes ng hapon sa bukid na matatagpuan sa barangay.

Naglalakad umano ang magtiyuhin sa bukid dala ang bakal na pang-araro nang aksidenteng tamaan ng bakal ang nakalaylay na electric wire dahilan upang makuryente ang mga ito.

Agad namang tinulungan ng mga nakakitang residente ang dalawa at dinala sa pagamutan subalit hindi na nailigtas pa si Pereyra.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang malaman kung sino ang maaring papanagutin sa insidente.

Ulat ni Baronesa Reyes