Pinaiimbestigahan ngayon sa Senado ang isang umano’y kulto sa Socorro, Surigao del Norte, na inaakusahang sangkot sa pang-aabuso sa mga menor de edad na kasapi nito, bukod pa sa nagpapatupad ng forced labor at child marriage.
Ayon sa panukalang Senate Resolution No. 797 na inihain ni Senate Minority Floorleader Risa Hontiveros, hinikayat nito ang Senado na siyasatin ang kaso ng “Omega de Salonera,” na dating Socorro Bayanihan Services, Inc. (SBSI), na pinamumunuan ni Jey Rence Quilario, alyas “Senyor Aguila.”
“Nakakakilabot ang nabuong kulto sa Surigao. Pero mas nakakakilabot at nakakagalit ang mga kaso ng panggagahasa, pananakit, at pilit na pagkakasal na ginawa sa mga menor de edad. We must put an end to this. As Chairperson of the Senate Committee on Women and Children, and as a mother, I ask us not to allow this monstrosity to continue,” ani Hontiveros.
Ayon sa impormasyong nakalap ni Hontiveros, nasa kabuuang 3,650 ang kasalukuyang miyembro ng Omega de Salonera, kasama ang 1,587 mga bata, at naninirahan ang mga ito sa isang tago at naguguwardiyahang lugar sa kabundukan ng Socorro na tinatawag na Sitio Kapihan.
Ani Hontiveros, batay sa nakalap nilang salaysay ng mga nakatakas na miyembro ng kulto, ginagahasa at sinasaktan diumano ni Quilario ang mga batang babaing kasapi ng kanilang organisasyon na karamihan ay nasa 12 anyos. Bukod dito, puwersahan pang ikinakasal ang mga ito sa mas nakatatanda sa kanila.
“Last July, eight children ran away from the cult after repeated instances of abuse and exploitation. These children are in grave and present danger. Makapangyarihan at may impluwensya ang kulto. Ginagawa nila ngayon ang lahat para makuha mula sa LGU at DSWD ang mga bata. The children’s parents, who are still part of the cult, are asked to file petitions for habeas corpus, in order to recover the minors from the local government,” ayon pa kay Hontiveros.
Bukod sa pang-aabuso sa menor de edad, inoobliga rin diumano ni Quilario ang mga kasapi nitong nasa programa ng gobyerno gaya ng 4Ps, TUPAD at AICS (Assistance to Inidividuals in Crisis Situation) ng DSWD na ibigay ang 40 hanggang 60 porsiyento ng ayudang nakukuha nila mula rito.
Ganito rin diumano ang ginagawa sa pensiyon na natatanggap ng mga senior citizens na kasapi ng kulto.