Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pamamahagi sa mga maralitang pamilya sa Tungawan, Zamboanga Sibugay, ngayong Martes, Setyembre 19, ng smuggled rice na nakumpiska ng mga awtoridad.
“Kailangan sapat ang pagkain para sa ating mga kababayan. Kasama diyan ay pinapatibay natin ang sistema ng agrikultura. Ngunit hindi lamang, yun ang nagiging problema sa agrikultura dito sa Pilipinas, ang isang napakalaking problema ay ang pag-smuggle ng bigas papasok ng Pilipinas,” pahayag ni Marcos sa kanyang talumpati.
“Hindi lamang pag-ayos ng agricultural sector ang ating kailagang gawin. Kailangan din nating pagtibayin ang ating pag-impose ng mga batas tungkol nga sa pagbigay ng suplay ng bigas sa atin, sa buong Pilipinas. Hindi tama na nagpapasok sila, iniipit nila ang suplay, pinapataas nila ang presyo, naghihirap ang tao para lang kumita sila ng malaki,” dagdag niya.
Inatasan na ng Pangulo ang Bureau of Customs (BOC) na tugisin ang mga rice smugglers na nagresult sa pagkumpiska ng 42,180 sako ng imported rice na nagkakahalaga ng P42 milyon sa isang bodega sa Barangay San Jose, Zamboanga City, noong Setyembre 15.
“Nabigyan na sila ng 15 days, wala silang naisagot kaya’t kinuha na ng gobyerno at ginawa naming donation sa DSWD [Department of Social Welfare and Development] … ang sabi ko, ang pinakanangangailangan diyan ang mga beneficiaries ng 4Ps,” giit niya.
“Iyon po ay patuloy nating pag-aasikaso para tignan natin na maging maganda ang patakbo ng mercado sa bigas dahil alam naman natin kung gaano kahalaga ang suplay ng bigas sa magandang presyo para sa lahat ng Pilipino,” pahayag ng Punong Ehekutibo.