Patay na nang matagpuan ang binatang dinukot umano ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) magtatatlong taon na ang nakalipas sa Gonzaga, Cagayan.
Nakilala ang biktima na si Mark Angelo Asuncion, 22-anyos, at residente ng Barangay Sta. Clara, Gonzaga, Cagayan.
Ayon kay Capt. Mark Anthony Capiyok, CMO ng 95th Infantry Battalion, ang biktima ay dinukot umano ng mga tauhan ng Komiteng Probinsya noong Agosto 21, 2021.
Patungo sana ang biktima sa Barangay Rebecca upang bantayan ang kaanak na may sakit nang harangin at dukutin siya ng mga rebelde.
Agad na ipinagbigay-alam ng mga kaanak ng biktima ang insidente sa kapulisan subalit hindi na rin nagawa pang mahanap ang biktima.
Nalaman na lamang umano sa ibang tao na ang binatang Asuncion ay nasa bundok na kasama ang mga rebelde.
Sa tulong ng dating rebelde na nagbalik-loob sa pamahalaan kamakailan ay natunton ang kinaroroonan ni Asuncion sa barangay Dungeg sa bayan ng Sta. Teresita subalit ito ay isa ng bangkay.
Nabatid sa dating rebelde na dumaan pa umano sa Kangaroo Court si Asuncion bago ito tuluyang pinaslang ng mga NPA. Sa pagtutulungan ng 95th IB, 5th Mechanized Infantry Battalion, Cagayan PNP, Regional Mobile Force battalion 2, Scene of the Crime Operatives (SOCO), at Marine Battalion landing Team 10, narekober ang bangkay ni Asuncion at ibinalik sa kanyang pamilya.
Nagbigay na rin ng tulong ang local na pamahalaan ng Gonzaga sa iniwang pamilya ni Asuncion.
Ulat ni Baronesa Reyes