Sugatan ang 93-anyos na lola matapos na tupukin ng apoy ang may 31 kabahayan sa Silay City, Negros Occidental nitong Huwebes ng madaling araw.
Ang biktima ay isinugod sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital dahil sa tinamong sunog sa kanang kamay.
Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection , nagsimula ang sunod dakong 1:59 ng madaling araw sa isa sa mga bahay sa Sitio Dacutan Daku Zone 8, Barangay Mambulac sa nasabning lungsod.
Tumagal ng ilang oras ang sunog na tumupok sa may P373,000 halaga ng ari-arian.
Sa tala ng Silay City government, umabot sa 35 pamilya na binubuo ng 114 katao ang nawalan ng tahanan at pansamantalang naninirahan sa barangay hall.
Sa 31 bilang ng nasunog na kabahayan, 24 ang totally damaged at pito ang partially damaged.
Agad namang nagpalabas ng pondo si Mayor Joedith Gallego upang bigyan ng financial assistance ang mga nasunugang pamilya.
Sa ngayon, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng ma awtoridad upang malaman ang dahilan ng sunog.
Ulat ni Baronesa Reyes