Sa pamamagitan ng pag-imbento ng 28-anyos na si Jeremy de Leon, maaari ninyo nang makita ang mga microorganism nang walang tulong ng tipikal na microscope sa mga laboratoryo.
Ang “make-roscope” na gawa ni de Leon ay sinlaki lamang ng key chain kumpara sa mga ordinaryong microscope kaya kumbinyenteng bitbitin at gamitin ano mang oras.
Ngunit huwag maliitin ang kapangyarihan nito dahil maaari nitong palakihin ang mga organismo hanggang 400 beses.
Ginawa ni De Leon ang “make-roscope” noong 2021 bilang entry sa TikTok challenge ng Department of Science and Techology (DOST), kung saan nakuha nito ang unang pwesto.
“Nagkaroon ng need during pandemic ng laboratory tools. Na-realize natin sarado classes, sarado schools, paano naman ang students na kailangan ma-engage sa science?” sinabi ni Jeremy.
“Bagay ‘tong microscope kasi kahit sa bahay lang masasabayan mo si teacher sa online classes at saka very safe,” dagdag pa niya.
Sinabi ni De Leon na matutugunan din ng “make-roscope” ang kakulangan ng microscope sa mga paaralan dahil ang kanyang imbensyon ay nagkakahalaga lamang ng P54.
Maging ang isang international design competition ay humanga sa gawa ni De Leon na nanalo ito sa Philippine leg ng contest at awtomatikong kasama sa international phase.
Kasama sa “make-roscope” kit ang isang maliit na lente sa loob ng food-grade silicone case. Kahit ihulog mo ito ay hindi basta masisira.
Kasama rin sa kit ang tatlong glass slide na may iba’t ibang specimens, isang tela, slide cleaner, droppers, isang card na may mga tagubilin, at isang kalawit na ginagamit upang gawing keychain ang “make-roscope”.
Madaling gamitin ang “make-roscope” dahil kailangan mo lang itong ilagay sa front camera ng iyong cellphone o tablet.
Sa ngayon, nakapagbenta na si De Leon at ang kanyang team ng 6,000 piraso ng “make-roscope” sa iba’t ibang paaralan.
Nakakataba ng puso aniya ang reaksyon ng mga estudyante.
“Nagse-send sila ng mga videos na pupunta sa mga remote areas… Dinala namin ang make-roscope sa Basilan para magkaroon ng experiential learning,” he said.
Umaasa si De Leon na sa pamamagitan ng “make-roscope,” mapapasiklab niya ang kuryosidad ng nakababatang henerasyon para sa agham.
Pangarap din niyang gawing available ito sa mundo.