Isinalang sa inquest proceedings ng Bureau of Immigration (BI) ngayong Lunes, Mayo 19, ang dalawang Chinese na naaresto noong Sabado, Mayo 17 sa Boracay Island dahil sa kanilang pagkakasangkot diumano sa pagdukot at pagpatay sa Filipino-Chinese businessman na si Anson Que at kanyang driver na si Armanie Pabillo.
Sa ginanap na press conference sa Camp Crame ngayong Lunes, sinabi ni PNP Regional Office 3 Director at concurrent PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo na malaking bagay ang pagkakaaresto sa mga suspek na sina Gong Wen Li, alyas “Kelly”; at Wu Ja Ping, alyas “Wu Jabing.”
Sina Kelly at Wu Jabing ay isinalang sa inquest proceedings ng BI dahil sa pagiging undesirable alien at iba pang paglabag sa immigration laws ng bansa. Si Kelly ay una nang sinampahan ng CIDG ng kasong kriminal dahil sa naging papel niya sa Que-Pabillo kidnap-slay case.
Ang dalawa ay naaresto sa isinagawang follow up operation ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Room 403 ng Henann Park Resort, Station 2, Boracay Island ala-1:45 ng hapon noong Sabado.
Sinabi pa ni Fajardo na magtatangka diumano na tumakas si Kelly, na diumano’y umaktong negosyador sa bayaran ng P200 milyong ransom money ng pamilya Que sa mga kidnappers, kasama ang kanyang ina at anak.
Subalit nagbago ang isip nito at humingi ng tulong kay Wu Jabing, na isa umanong hairdresser sa Boracay, para makaiwas sa pag-aresto ng mga awtoridad.
Ayon pa kay Fajardo, si Wu Jabing ang nag-book para kay Kelly sa Hennan Park Resort kung saan ito naaresto ng CIDG elements.