Sa Kapihan sa Senado nitong Miyerkules, Mayo 21, sinabi ni Senate Minority Leader Risa Hontiveros na muli nilang ihahain sa 20th Congress ang Dissolution of Marriage o Divorce bill, na kasalukuyang nasa ikalawang reading na sa Kongreso, sakaling hindi ito maisabatas sa 19th Congress.

“We will refile in the 20th. We will simply refile. That’s my commitment,” sabi ng senador.

Iginiit niya na ang kawalan ng batas na nagbibigay pahintulot sa dissolution of marriage ay isang “moral failing” ng bansa sa tungkulin nitong protektahan ang mga mamamayan, lalo na ang kababaihan at kabataan.

Bukod dito, umaasa rin si Sen. Hontiveros na maisasabatas sa susunod na Kongreso ang mga panukalang Sexual Orientation, Gender Identity and Expression, and Sex Characteristics (SOGIESC) Bill at Teenage Pregnancy Prevention Bill.

“Dahil nananatiling national emergency ‘yan [teenage pregnancy], social emergency yan. Finake news lang kasi eh, yung comprehensive sexuality education,” sabi niya.

Layunin ng Teenage Pregnancy Prevention Bill na magbigay-kaalaman at suporta sa mga kabataan, kabilang ang mga teenage parents tungkol sa comprehensive sexuality education upang maiwasan ang pagtaas ng bilang ng mga batang ina.

Naging pangunahing adbokasiya rin ni Sen. Hontiveros sa 19th Congress ang panukalang SOGIESC Bill na layong kilalanin at pangalagaan ang karapatan ng bawat indibidwal anuman ang kanilang kasarian o identidad.

Ulat ni Julian Katrina Bartolome

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *