Rarampa ang aktres, entrepreneur, at dating Miss Universe Pia Wurtzbach para i-promote ang kanyang librong “Queen of the Universe.”

Inilunsad ni Pia ang kaniyang unang libro na inilathala ng Tuttle Publishing sa Manila International Book Fair (MIBF) kahapon, Huwebes, Setyembre 15, sa Pasay City. Ang ABS-CBN Books ang nagsilbing literary agent ni Pia para mailimbag ng Tuttle ang kanyang libro.

Sa kanyang meet and greet sa MIBF, sinabi ng beauty queen na nakatakda silang maglibot sa Metro Manila at maging sa Cebu para makasalamuha ang kanyang readers at mapirmahan ang mga kopya ng libro.

Umaasa si Pia na madaragdagan pa ang mga lugar na mapupuntahan niya para i-promote ang “Queen of the Universe.”

Matapos ang Philippine book tour, lilipad naman si Pia sa ibang bansa para makahalubilo ang kanyang mga followers.

“And of course, ‘yung mga kababayan natin sa ibang bansa, uunahin namin ‘yung Singapore,” she added. “Pinaplano na namin [i-meet] ang mga kababayan natin sa Dubai, and hopefully next year makapag-US at Europe tour din kami. So sobrang exciting,” ani Pia.