Sa isang panayam ng “Sa Totoo Lang” ng One PH nitong Biyernes, Hunyo 13, inihayag ng senior research fellow ng Ateneo Policy Center na si Atty. Michael Henry Ll. Yusingco na sasagutin ni Vice President Sara Duterte ang naunang isinumiteng Articles of Impeachment noong Pebrero kahit na ipinabalik ito ng Senado, bilang impeachment court, sa Kamara.

“Ang sasagutin ni Vice President Sara Duterte is still the articles of impeachment na napadala ng House nung February,” saad ni Yusingco.

“Nagkaroon lang ng parang drama doon […] sa pag-remand kasi ang lumalabas parang may utos, na ‘review ninyo ‘to, review ninyo ‘yung articles’,” paliwanag ni Yusingco.

Dagdag pa ng abogado, ang hinihingi lang umano ng Senado ay “certification” mula sa Kamara na “dumaan nga ito sa tamang proseso at ito ay constitutional.”

“Wala naman, well at least sa pagkabasa ko, wala namang utos na baguhin or dagdagan o bawasan ‘yung Articles of Impeachment so basically kung ano ‘yung naipasa sa Senado, …‘yun pa rin ‘yung sasagutin ni Vice President Sara Duterte,” aniya.

Ulat ni Jilliane Libunao