Ipinasisibak ng ilang samahang nasa sektor ng agrikultura sina Department of Finance (DOF) Secretary Benjamin Diokno at National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan dahil sa pagsusulong ng dalawa sa pagbabawas sa buwis na ipinapataw sa inaangkat na bigas ng bansa.
Ayon sa mga grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), Federation of Free Farmers (FFF), Philippine Confederation of Grains Associations (PHILCONGRAINS), Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP); Pambansang Mannalon, Mag-uuma, Magbabaul, Magsasaka ng Pilipinas (P4MP); at National Movement for Food Sovereignty (NMFS), “bitay” sa mga magsasaka ang isinusulong na tariff cut nina Diokno at Balisacan.
Matatandaang isinabatas ang Rice Tariffication Law (RTL) upang makatulong sa mga magsasaka dahil sa pagkakalikha ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) na naglalaan ng ₱10 bilyong pantulong sa magsasaka mula sa nasisingil na buwis sa inaangkat na bigas.
Giit pa ng mga nananawagan sa pagsibak kina Diokno at Balisacan, tanging ang malalaking rice importers ang makikinabang sa pansamantalang pagpapababa sa taripa sa bigas dahil 85 porsiyento sa mga inaangkat na bigas ay “premium” rice at hindi regular-milled at well-milled rice na karaniwang binibili ng ordinaryong Pilipino.
Bukod dito, ipinaalala rin ng nasabing mga grupo na mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nagsabing hindi dapat umaasa ang bansa sa pag-aangkat ng bigas para mapanatiling matatag ang supply nito sa merkado.
“What we need right now is to reassert our capacity to produce for our own agriculture and food needs, and to vigorously push for food self-sufficiency as we can never rely on the vagaries of the international market,” paliwanag ng mga ito.
Binatikos din ng mga nagpepetisyon sa pagsibak sa dalawang kalihim ang pinalulutang na ideya na gawing kalihim sa agrikultura si Balisacan, na may background sa agriculture economics.