Makakabili ang bawat Pilipino ng bigas sa halagang ₱20 kada kilo sa piling mga Kadiwa sites bilang bahagi ng ika-68 kaarawan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong Sabado, Setyembre 13.

“On Saturday, the P20 per kilo rice will be available to everyone in select Kadiwa sites in a number of cities and provinces. This is President Marcos’ birthday gift to the Filipino people,” sinabi ni Laurel.

Inanunsyo ito ng Department of Agriculture (DA) noong Biyernes, Setyembre 12, ilang oras matapos buksan ng Malacañang ang Kalayaan Grounds para sa ilang komunidad.

Tinagurian ang programa bilang “Handog ng Pangulo” na gaganapin sa 100 piling Kadiwa ng Pangulo (KNP) sites at mga akreditadong tindahan mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon ngayong araw.

Ayon sa DA, kinakailangan lamang magprisenta ng valid ID ang mga nais bumili ng murang bigas, na limitado sa 10 kilo kada mamimili.

Dagdag pa rito, binigyang-diin ng ahensya na nakatuon ang programa sa mga vulnerable sector gaya ng mga indigent, senior citizen, solo parent, persons with disabilities (PWD), at mga minimum wage worker.

Ulat ni Britny Cezar