Nasa ₱40 milyong halaga ng puslit na bigas ang nakumpiska sa magkakahiwalay na raid na isinagawa ng Bureau of Customs (BOC) sa Las Piñas at Bacoor City, sa Cavite noong Huwebes, Setyembre 14.
Ayon sa Facebook page ng BOC, mula Vietnam, Thailand at China ang nakumpiskang mga bigas, na ibinebenta naman ng may-ari sa halagang ₱1,320 kada sako, o ₱52.80 kada kilo na mas mataas kaysa itinakdang presyo ng Executive Order No. 39 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“Prior to this inspection, an extensive investigation, surveillance, and test purchases were carried out,” pahayag ng BOC.
Ayon pa sa BOC, binibigyan ng 15 araw ang may-ari ng mga bodega na isumite ang kinakailangang mga dokumento para patunayang lehitimo ang ginawang pag-aangkat sa naturang mga bigas.
Sinabi rin ng BOC na sunud-sunod nilang operasyon ay batay na rin sa kautusan ni Pangulong Marcos na habulin at papanagutin ang mga smuggler, nagmamanipula ng presyo at nang-iipit ng supply ng bigas, na nagiging dahilan ng pagsipa ng presyo nito sa merkado.