Naideposito na sa Bureau of Treasury (BT) ang ₱50 bilyong ambag ng Landbank of the Philippines (LBP) para sa kontrobersiyal na Maharlika Investment Fund (MIF).
Batay sa itinakda ng Republic Act (RA) No. 11954, mandatoryong ibigay ng LBP ang naturang halaga sa Maharlika Investment Corporation (MIC), ang kumpanyang mangangalaga sa “sovereign fund” na isinulong mismo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para umano mapaunlad ang ekonomiya ng bansa.
Ayon kay Department of Finance (DOF) secretary at LBP chairman Benjamin Diokno, Setyembre 14 pa nang maihanda ang ₱50 bilyong kontribusyon ng bangko sa MIF, o halos dalawang buwan matapos lagdaan ni Pangulong Marcos ang RA 11954, at halos dalawang linggo naman matapos na maihanda at maaprubahan ang implementing rules and regulations (IRR) nito.
Kumpiyansa si Diokno na magiging operasyonal ang MIF bago magtapos ang 2023.
“We’re witnessing a growing interest for investments in the MIF from multilateral financial institutions and foreign investors. With the regulatory requirements in place, and after securing the seed capital from state-run institutions, we are confident that the Fund will be operational by yearend,” ani Diokno sa isang pahayag.
Bukod sa Landbank, mag-aambag din sa puhunan ng MIF ang Development Bank of the Philippines (DBP), isa pang government-owned and controlled financial institution, ng halagang ₱25 bilyon. Samantala, maglalabas din ang gobyerno ng bukod na ₱50 bilyon sa kapital ng MIF.
Batay sa batas, ang paunang kapital na iniambag ng tinatawag na “founding government financial institutions” ay nagpapahintulot sa kanila na mag-subscribe sa shares sa MIC na may capital stock na ₱500 bilyon.
Ginarantiyahan naman ni Landbank President at CEO Lynette Ortiz na sapat ang proteksiyong itinakda ng RA 11954 para masiguro ang malinaw at maayos na pangangasiwa sa pondo ng MIF.