Mabibili na sa ilang fish port sa Luzon ang P20 kada kilong bigas para sa mga mangingisda sa lugar, ayon kay Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr.
Pinangunahan nina Laurel at Philippine Fisheries Development Authority (PFDA) General Manager Glen Pangapalan ang opisyal na paglulunsad ng “Benteng Bigas Meron (BBM) Na” program sa Navotas Fish Port Complex noong Biyernes, Agosto 29.
Layunin umano ng programa na lalo pang mapalawak ang serbisyo ng rice assistance ng pamahalaan, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ipinamahagi na ang mga bigas sa mga pangunahing pantalan ng isda sa Luzon tulad ng Navotas Fish Complex sa Metro Manila, Sual Fish Port sa Pangasinan, at Lucena Fish Port Complex sa Quezon.
Matatandaang lumawak na sa 212 lugar sa bansa ang saklaw ng BBM project, kung saan mahigit 500,000 benepisyaryo na ang nakinabang dito.
Ulat ni Julian Katrina Bartolome
