Hindi sapat ang ₱1.00 pansamantalang dagdag sa pasahe, ayon sa Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON), para maibsan ang epekto ng walang prenong pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa kanilang hanay.
Ani PISTON national president Mody Floranda, mas matutulungan ng gobyerno ang mga tsuper at operators kung babawasan o tuluyan muna nitong ititigil ang pagpapataw ng buwis sa mga produktong petrolyo.
“Kung gusto talaga tulungan ng ating gobyerno ang sektor at ang ating mga mamamayan, dapat ‘yung pagbabawas, pagtigil sa paghingi ng mataas na buwis sa usapin ng produktong petrolyo para domino effect naman ito sa pagbaba ng mga bilihin,” paliwanag ni Floranda sa The Source ng CNN Philippines.
Ayon sa transport leader, lalamunin lamang ng nakaambang taas-presyo na naman sa mga produktong petrolyo, ang pisong dagdag sa pasahe na pinangangambahang aaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ani Floranda, dapat ay gawin man lang ₱2.00 ang dagdag sa pasahe para makabawi sila sa kita sa pamamasada.
Samantala, tuluy-tuloy naman ang pamamahagi ng fuel subsidy ng gobyerno para makatulong sa mga tsuper at operators.