Upang matiyak na lahat nang sumunod sa rice price ceiling ay mabibigyan ng ayuda, palalawigin hanggang Setyembre 29 ng pamahalaan ang pamamahagi ng ₱15,000 financial assistance sa mga rice retailers.
Matapos ang isinagawang pagpupulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Interior and Local Government (DILG), napagkasunduan ng mga ito na simulan bukas, Setyembre 15, ang pagbibigay ng ayuda sa mga micro rice retailers na apektado ng Executive Order No. 39.
Layunin nito na mapalawak ang pagbibigay-tulong sa mga rice retailers na naaapektuhan ng price cap na itinakda sa ilang klase ng bigas.
Nauna nang inihayag ng DTI na posibleng hindi matapos ngayong araw ang pamamahagi ng ayuda sa mga apektadong retailers.
Katunayan sa lungod ng San Juan at Manila, may mga rice retailers na dismayado dahil bigong makatanggap ng ayuda at pinangakuan na lamang na isasama ang kanilang mga pangalan sa listahan ng ikalawang batch na bibigyan ng tulong.
Pangako ng DTI, tuloy-tuloy ang ginagawa nilang pagkuha ng impormasyon sa mga kwalipikadong rice retailers para sa susunod na batch ng ayuda.
Gayunman, hindi pa masabi ng DTI kung kailang magaganap ang second batch ng pamamahagi ng ayuda.
Ulat ni Baronesa Reyes