Limang katao ang nasugatan matapos tamaan ng gumuhong pader sa kasagsagan ng magnitude 6.3 na lindol sa Dalupiri Island sa Calayan, Cagayan noong Martes ng gabi.
Sa inisyal na ulat ng Office of Civil Defense (OCD) dalawa sa biktima ay nagtamo ng brain trauma at concussion habang ang tatlong iba pa ay nagtamo ng minor injuries sa katawan.
Batay sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), ang lindol ay naramdaman dakong 7:03 ng gabi.
Umabot sa intensity V ang pagyanig na naramdaman sa Bacarra, Bangui, Burgos, Laoag City, Pagudpud, Paoay, Pasuquinat, San Nicolas, sa Ilocos Norte.
Nasa intensity IV naman ang naramdaman sa Luna, Apayao; Batac City, Currimao, at Pinili, Ilocos Norte; Claveria, Enrile, Pamplona, Sanchez-Mira, at Santa Praxedes sa Cagayan. Intensity III naman ang naramdaman sa Bucay, Lacub, Lagayan, at San Juan, Abra; Banayoyo, Bantay, Burgos, Caoayan, San Emilio, San Esteban, San Ildefonso, San Vicente, Santa Catalina, Santa Cruz, Santiago, Sigay, at Vigan City sa Ilocos Sur; Solana, Cagayan; Santo Domingo, Nueva Ecija.
Nakaramdam naman ng intensity II na lindol ang mga residente sa Dolores, La Paz, Luba, Pidigan, at Tubo sa Abra; Narvacan, Santa, at Santa Maria sa Ilocos Sur; Aparri, Cagayan.
Intensity I na pagyanig naman ang yumanig sa San Isidro, Abra; Candon City at Tagudin sa Ilocos Sur; Camalaniugan, Lal-Lo, at Santa Ana, Cagayan.
Sa tala ng Phivolcs, ang pagyanig ay may lalim na 41 kilometro at tectonic origin.
Wala namang naiulat na nasawi sa insidente subalit inaasahan ang pagkakaroon ng aftershocks.
Ulat ni Baronesa Reyes