Inihayag ni Sen. Francis Tolentino na nakaligtas ng isang alyas “Dodong”, pangunahing testigo sa umano’y pangmamaltrato ng isang mag-asawang employer sa kanilang kasambahay, sa pamamaril na nangyari sa Paluan, Mindoro Occidental kagabi, Setyembre 12.
Sinabi ni Tolentino na nakatanggap siya ng report mula kay Police Regional Office 4 (MIMAROPA) Director P/Brig. Gen. Joel Doria na pinasok ang bahay ni “Dodong” ng mga armadong lalaki na nakasuot ng bonnet sa Paluan, Mindoro Occidental kagabi.
Ayon sa report na kanyang natanggap, pinagbabaril si Dodong at dahil palaging alerto, mabilis siyang nakatakas sa mga gunmen.
“Kinokondena ko ang tangkang pagpaslang kay alyas ‘Dodong’ kagabi,” sabi ni Tolentino.
Aniya, nakatanggap din siya ng unverified report na pinasok din ang bahay ni Elvie Vergara, ang inabusong kasambahay na taga-Mindoro, kagabi sa Batangas City.
Si Vergara ay sumipot sa mga serye ng pagdinig ng Senado kamakailan kung saan niya ikunuwento ang umano’y pambubugbog ng kanyang employer, ang mag-asawang Pablo at France Ruiz, na naging sanhi ng kanyang pagkabulag.
“Atin din pong pangalagaan ang seguridad ni Elvie Vergara,” giit ng Senador, matapos ang nangyaring panloloob sa bahay ng biktima.
Si Elvie ay nakatakdang ipasok sa Witness Protection Program ng pamahalaan, ayon pa kay Tolentino