Hindi saklaw ng ipinatutupad na “poll spending ban” ng Commission on Elections (Comelec) ang pagbibigay ng ayuda sa apektadong rice retailers ng price cap sa bigas.
Nitong Martes, Setyembre 12, pinagbigyan ni Comelec Chairman George Garcia ang pakiusap ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na huwag isailalim sa ipinatutupad na pagbabawal sa pamimigay ng ayuda kaugnay ng eleksiyon ang ₱15,000 cash subsidy para mahigit 5,000 rice retailers sa buong bansa na apektado ng price cap sa regular milled and well-milled rice.
Sa liham ni Garcia, batay sa pagsisiyasat ng Comelec Legal Department, hindi maituturing na “relief and other goods” ang ayudang ipinamimigay ng DSWD, alinsunod Section 9 ng Comelec Resolution No. 10944.
Ayon sa naturang resolusyon, mahigpit na ipinagbabawal ang paglalabas ng pondo ng alinmang ahensiya at kumpanyang pag-aari ng gobyerno sa panahon ng Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE).
Kabilang sa ipinagbabawal ang paglalabas ng pondo para sa public works at social welfare projects, at pagmimigay ng materyales kaugnay ng BSKE.
Maging ang tinatawag na Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ay ipinagbabawal din sa panahon ng eleksiyon, maliban na kung normal na itong ibinibigay sa kuwalipikadong benepisyaryo gaya ng pagkain, transportasyon, medikal, panlibing, pang-edukasyon at iba pang kahalintulad na tulong.
Samantala, maaari namang humingi ng exemption sa election ban ang mga ahensiya ng gobyerno sa Comelec sa pamamagitan ng pagsulat sa legal department nito.