Balak ng Manila Electric Co. (Meralco) na magtayo ng maliliit na nuclear plant para suplayan ng kuryente ang espesipikong lugar sa bansa.
Magpapadala rin ang Meralco ng mga Pilipino sa ibang bansa para mag-aral ng nuclear power.
Sa Giga Summit na isinagawa ng Meralco, isa sa mga kumpanya ni Manuel V. Pangilinan (MVP), kamakailan, sinabi ni MVP na balak nilang magtayo ng micro modular reactors (MMR), o maliliit na plantang nukleyar para suplayan ng kuryente ang ilang lugar.
“It’s anywhere between 5 to 15mW (megawatts). So, if you want a big plant like 150 [MW] you need several of their reactors in one place. It’s really meant for island provinces or island cities, data centers, for desalination,” paliwanag ni Pangilinan.
Gayunman, nilinaw ni MVP na mas mahalaga ang kaligtasan at kapakanan ng mamamayan kung kaya dapat na magkaroon ng masusing pag-aaral sa paggamit ng nuclear power para sa kuryente.
“Chernobyl doesn’t help, Fukushima didn’t help, but we have to consider that because we also are sensitively active archipelago,” ani MVP.
Kung kaya, balak ng Meralco na magpadala ng mga Pilipino upang mag-aral sa ibang bansa, sa ilalim ng scholarship, para pag-aralan nang husto ang paggamit ng nuclear power.
“Universities in US, Canada, Korea, Japan, France. Those are the countries we intend to send our young engineers to train and be educated in nuclear. Not only for the nuclear production side, but also regulatory side of the business,” ayon pa kay Pangilinan.