Dalawang purse seine vessels, mga fishing paraphernalia at mga nahuling isda na nagkakahalaga ng P100-milyon ang nasabat ng mga awtoridad sa Tayabas Bay sa Lucena City.
Ito ang kinumpirma ni Philippine Coast Guard (PCG) – Southern Tagalog District commander Commodore Geronimo Tuvilla.
Nauna rito, sinabi ni Tuvilla na inatasan niya ang kanyang mga tauhan na palakasin ang pakikipag-ugnayan sa sektor ng mga mangingisda at iba pang law enforcement agencies upang matutukan ang kampanya laban sa illegal fishing at iba pang ilegal na aktibidad sa kargatang sakop ng Southern Tagalog.
Bilang tugon sa kautusan, agad na nagsagawa ng operasyon ang mga kinatawan ng Coast Guard Intelligence Group – Southern Tagalog, Naval Forces Southern Luzon at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources- Fisheries Protection and Law Enforcement sa Lucena City na nagresulta sa pagkakasabat ng dalawang commercial fishing vessels.
Kabilang sa nasabat ang FV Princess Bernice Carmina na may 15 tripulante at FV Lady Yasmin na may 16 na tripulante.
Sinasabing nilabag ng dalawang fishing vessels at mga mangingisda ang Section 86 at 95 ng Republic Act 8550 na inamyendahan ng Republic Act 10654 o Philippine Fisheries Code of 1998.
Sa ngayon, ang mga nasabat na fishing vessel ay nasa kustodiya ng may-ari habang iniimbestigahan at inihahanda ang kaukulang kaso laban sa mga ito.
Ulat ni Baronesa Reyes