Patay ang dalawang barangay tanod habang 10 iba pa ang nasugatan matapos na bumangga ang sinasakyang patrol jeep ng mga ito sa isang puno sa Batangas City noong Linggo, Setyembre 10.

Batay sa ulat ng Batangas Police Provincial Office, nakilala ang mga nasawi na sina Teodoro Guico, 59, at Ariel Silva pawang mga tanod ng Barangay San Miguel.

Isinugod naman sa pagamutan ang iba pang kasamahan ng dalawa na nakilalang sina Noraida Deguito, 46; Mario Fatal, 44; Verino Alo, 52; Felix Magpantay, 48; Jayson Nunez, 36; Valeriana Alega, 42; Monchito Ebora, 42; Tranquilino Detorres, 45; Bryan Espeleta, 30, at Romeo Sarmiento, 56, driver ng sasakyan.

Lulan ang mga biktima ng patrol jeep na may plakang SFZ-421 patungo sa barangay hall nang maganap ang aksidente sa Sitio Tanlayag sa nasabing lugar.

Ayon sa ulat, pababa ang sasakyan sa bulubunduking lugar nang mawalan ng kontrol sa manibela ang driver at bumangga sa malaking puno na nasa gilid ng kalsada.

Sa lakas ng pagkakabangga, nagtamo ng grabeng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga biktima.

Ulat ni Baronesa Reyes