Patay ang isang lalaki habang sugatan naman ang misis nito matapos na pagbabarilin ng kanilang kapitbahay sa Tiaong, Quezon, nitong Lunes, Setyembre 11.

Dead on the spot ang biktimang si Cesar Castillo Cortez, residente ng Sitio Ilaya Kanan, Barangay Behia, Tiaong, Quezon.

Isinugod naman sa pagamutan ang kanyang misis na nakilala lang sa pangalang “Jaina.”

Batay sa ulat ng PNP, ang insidente ay naganap nitong Lunes ng umaga sa tapat ng bahay ng mag-asawa.

Nagtatabas umano ng damo ang mag-asawa sa tapat ng kanilang bahay nang bigla na lamang sumulpot ang suspek na si Leo Resipeda Diamaano at walang sabi-sabing niratrat sila ng bala ng M16 rifle.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang suspek habang isinugod naman sa pagamutan ang mag-asawa ng kanilang anak na babae subalit hindi na naisalba ang buhay ni Cesar.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang maaresto ang tumakas na suspek at alamin narin ang motibo ng pamamaril .

Ulat ni Baronesa Reyes