Sisimulan na ang pamamahagi ng ₱15,000 ayuda ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), sa Sabado, Setyembre 9, para sa naluluging mga rice retailer sa Metro Manila, para maibsan ang epekto ng ipinatutupad na price cap sa bigas ng gobyerno.
Ayon sa DSWD, mauunang makikinabang sa ₱15,000 ayuda ang maliliit na rice retailer sa pampublikong mga pamilihan sa Quezon City, Caloocan, Manila, at San Juan.
Ayon pa sa ahensiya, hindi na kailangan pang magparehistro ng mga rice retailer dahil mismong ang DSWD na ang gagawa ng paraan para bisitahin sila at maabutan ng tulong.
“The payout will be on the ground, meaning the DSWD paymasters will go to the marketplace where the rice retailers are,” pahayag ni DSWD Secretary Rex Gatchalian.
Naniniwala si Gatchalian na sasapat ang naturang halaga para makaraos sa pitong araw ang mga rice retailer, matapos ang pagpapatupad ng Executive Order 39 ni Pangulong Marcos, ayon na rin mismo sa datos ng Department of Trade and Industry (DTI).
(Photo courtesy of Benhur Abalos/FB)