Mahigit 20 estudyante ng isang paaralan sa Braulio E. Dujali sa Davao del Norte ang nahimatay dahil sa sobrang init ng panahon nitong Biyernes, Setyembre 8.
Ang mga biktima ay pawang mga Grade 7 at Grade 8 student ng Dujali National High School.
Sa tala ng Municipal Health Office ng Braulio E. Dujali, dinala ang mga biktima sa Regional Health Unit makaraang makaranas ng heat exhaustion at panic attacks.
Dahil umano sa matinding init ng panahon , sunod-sunod na nakaranas ang mga estudyante ng heat exhaustion at panic attack na naging sanhi ng pagkahimatay ng mga ito.
Sa record ng Davao City Disaster Risk Reduction and Management Office o CDRRMO, nitong September 8 dakong 2:00 ng hapon ay umabot sa 40 degrees Celsius ang heat index sa lugar.
Ang ganitong kataas na temperatura ay maituturing na nasa extreme caution level.
Bilang tugon sa insidente, agad na nagsagawa ng emergency meeting ang lokal na pamahalaan at mga ahensya ng gobyerno upang tugunan ang sitwasyon.
Nitong Lunes, nagsagawa na rin ng inspeksyon ang kinauukulan sa mga paaralan lalo pa’t iniulat na nakakaramdam pa rin ang mga estudyante ng matinding init sa loob ng kanilang mga silid aralan.
Pinayuhan din ang publiko partikular na ang mga estudyante na dalasan ang pag-inom ng tubig upang makabawas sa init na kanilang nararamdaman.
Ulat ni Baronesa Reyes