Aabot sa 175 pasahero at tripulante ng nagka-aberyang barko sa karagatan ng Sulu ang nasagip ng mga tauhan ng Naval Forces Western Mindanao (NFWM) noong Sabado, Setyembre 9.
Batay sa ulat ng NFWM nitong Lunes, nakatanggap sila ng impormasyon na isang passenger vessel ang nasiraan sa karagatang sakop ng Bolod Island sa Sulu.
Bilang tugon sa impormasyon, agad na inalerto ng NFWM ang Naval station Romulo Espaldon sa Bagong Calarian, Zamboanga City at inatasan ang BRP Florencio Iñigo para hanapin at tulungan ang MV Queen Shaima.
Sa tulong ng littoral monitoring station ng BRP Florencio ay natagpuan ang nasiraang barko sa silangang bahagi ng Bolod Island.
Napag-alaman na galing ang barko sa Sulu at patungo sana sa Baliwasan nang masiraaan ang makina nito.
Aabot sa 80 pasahero ng barko ang isinakay sa PC393 ng Philippine Navy habang ang iba ay naiwan sa barko na hinila patungo sa Ensign Majini Pier sa Bagong Calarian, Zamboanga City bago sila inilipat naman sa BRP Ivatan.
Sa kasalukuyan, lahat ng pasahero at tripulante ng barko ay ideneklarang ligtas at nasa maayos na kalagayan na.
Kaugnay nito, pinapurihan naman ni Rear Admiral Donn Anthony Miraflor, commander ng NFWM, ang kanyang mga tauhan sa tagumpay na rescue mission.
Ulat ni Baronesa Reyes