Bagaman sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na normal lang ang smog o makapal na usok na nasa ibabaw ng Metro Manila, ipinayo naman ng Department of Health (DOH) sa publiko na mag-mask para hindi magkasakit sa baga.
Sa isang panayam ng media kay Health Secretary Ted Herbosa, naglalaman ang smog ng iba’t ibang pollutants na maaaring makasira sa ating mga baga. Kung kaya, ang payo ng kalihim, dapat na mag-mask para protektado mula sa smog.
Samantala, nilinaw ng PAGASA, na karaniwang nangyayari ang smog dahil thermal inversion, o ang pananatili ng malamig ng hangin, na kadalasang nasa mataas na lugar (altitude), malapit sa ibabaw ng lupa kaysa mainit na hangin.
Dahil dito, napipigilan ang pagtaas ng usok na ibinubuga ng mga sasakyan at mga pabrika sa himpapawid na nagreresulta ng pagbalot ng makapal na tila hamog sa isang lugar.
Pinag-iingat naman ng PAGASA ang mga motorista dahil maaaring magdulot ng “zero visibility” ang smog kapag tumindi ito.