Natukoy na ng pulisya ang pagkakilanlan ng isang sibilyan na nanutok ng baril sa isang taxi driver na kanyang nakagitgitan sa Barangay Punturin, Valenzuela City noong Agosto 19.
Ayon kay Valezuela Police Station chief P/Col. Salvador Destura Jr., naghain na rin sila ng kasong grave threat at alarm and scandal sa Valenzuela Prosecutors Office laban sa road rage driver na nakilalang si Marlon de Jesus Malabute ng Gagalangin, Tondo, Manila.
Ayon kay Destura, kasalukuyang pa ring pinaghahanap ng kanyang mga tauhan si Malabute na napag-alamang ikatlong may-ari na ng Toyota Fortuner ((NBB-3135) na sinasakyan niya nang mangyari ang road rage incident.
Ang pagkakilanlan ni Malabute ay ibinunyag sa isingawang press conference na dinaluhan din ni Valenzuela City Mayor Wess Gatchalian kung saan nagpakita rin ang taxi driver na si Henry Ong, ang nakagigitan at tinutukan ng baril ng suspek.
Sinabi Destura na matiyagang nagsagawa ng follow up operation ang Valenzuela police kaya natukoy nila ang identity ni Malabute sa tulong na rin ng dalawang dating may-ari ng Toyota Fortuner na nagpakita ng deed of sale ng sasakyan.
Sinabi rin ni Destura na agad na kinansela ng Philippine National Police (PNP) Firearms and Explosives Office (FEO) ang lisensiya ng baril ni Malabute na isang Girsa 9mm pistol.
Umapela ang opisyal kay Malabute na isuko na ang kanyang baril at magpakita sa pinakamalapit na police station upang ihayag ang kanyang panig.