Inirekomenda ng Philippine National Police – Internal Affairs Service (PNP- IAS) ang pagsibak sa serbisyo ng walong tauhan ng Navotas City Police Station na umano’y sangkot sa pagkakapaslang sa 17-anyos na si Jemboy Baltazar.
Ayon kay PNP-IAS chief Alfegar Triambulo, anim sa walong pulis ang itinuturong bumaril kay Baltazar at ngayon ay nahaharap sa kasong serious irregularity in the performance of duty.
Ang dalawa naman ay team leader ng grupo na nahaharap sa serious or grave neglect of duty.
Sinabi ni Triambulo na maari ding maglabas ng resolusyon ang IAS para sa kasong administratibo na isinampa laban sa iba pang miyembro ng Navotas City police sa susunod na linggo.
Matatandaang si Baltazar ay napatay noong August 2 habang patungo sana sa pangingisda sa Barangay NBBS Kaunlaran.
Sa ulat, ang biktima ay napagkamalang suspek sa hiwalay na pamamaril ng mga tumutugis na pulis.
Ayon sa kaibigan ni Baltazar, inihahanda sana nila ang kanilang bangka nang pababain sila ng mga pulis. Itinaas umano nila ang kanilang kamay subalit patuloy sa pagbaril ang mga pulis dahilan upang tumalon sa tubig si Baltazar.
Ang mga pinasisibak na pulis ay nakilalang sina P/EMSgt. Roberto Balais, P/SSgt. Gerry Maliban, P/SSgt. Antonio Bugayong, P/SSgt. Nikko Esquilon, P/Cpl. Eduard Blanco, at Patrolman Benedict Mangada.
Nauna nang nasibak sa pwesto ang hepe ng Navotas Police na si P/Col. Allan Umipig dahil sa insidente.
Ulat ni Baronesa Reyes