Aarangkada ang Motorcycle Riding Academy (MRA) na pangangasiwaan ng mga trainors ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Setyembre 27 upang mabawasan ang mga aksidente na kinasasangkutan ng mga motorsiklo sa Kalakhang Maynila.
Sinabi ni MMDA acting chairman Atty. Don Artes, magbibigay ang ahensiya ng formal training sa theortical at practical aspects ng pagmomotorsiklo.
Aniya, ang training program ng MMDA-MRA ay tututok sa basic training na may kinalaman sa motorcycling handling and safety, road courtesy, at pagsunod sa traffic rules.
Ayon pa sa MMDA, makatatanggap ng certificate ang mga enrollees kapag nakumpleto na nila ang training program.
Base sa datos ng MMDA Metro Manila Accident Reporting and Analysis System na noong 2018, 38 porsiyento ng mga nasawi sa aksidente sa lansangan ay mga motorcycle riders. Tumaas ang bilang nito sa 253 noong 2020, at 295 noong 2021.