Inirekomenda ng Board of Inquiry ng Bureau of Corrections (BuCor) ang pagsasampa ang kasong administrative laban sa ilang opisyal at tauhan ng BuCor dahil sa nangyaring pagtakas ng isang maximum security inmate noong Hulyo.
Ayon sa BuCor, nahaharap ang ilang opisyal ng Bilibid at jail guards ng kasong gross neglect of duty sa nangyaring pagtakas ni Michael Cataroja mula sa Maximum Security Compound ng New Bilibid Prison (NBP).
Sinabi ni BuCor chief Gregorio Catapang na posibleng madagdagan pa ang listahan ng mga kakasuhan na opisyal at tauhan ng Bilibid dahil nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Board of Inquiry sa insidente na nagdulot ng kahihiyan hindi lamang sa NBP ngunit maging sa Department of Justice (DOJ), lalo na kay Secretary Crispin Remulla na napaniwalang patay na si Cataroja.
Kabilang sa mga kapalpakan ng BuCor jail guards sa nangyaring pagtakas ni Cataroja ay ang hindi paggamit ng mirror para mainspeksiyon ang lahat ng mga sasakyan na lumalabas-pasok sa pasilidad.
Matatandaan na inamin ni Cataroja na nakapuslit siya ng NBP sa pamamagitan ng pagtago ng sarili sa ilalim ng garbage truck.
Inihayag ni Catapang na mahigit sa 700 tauhan ang sinibak na sa puwesto bunsod ng pagtakas ni Cataroja.