Nailigtas ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang may 13 pasahero at tripulante ng barko na nasiraan sa karagatang sakop ng Dasalan Island, Hadji Muhtamad, Basilan nitong Huwebes, Setyembre 7, ng umaga.
Batay sa ulat ng PCG, ang mga biktima ay lulan ng M/V SR Express na nasiraan sa 10 nautical miles mula sa Dasalan Island.
Galing umano ang barko sa Zamboanga City patungo sana sa Pangutaran Sulu nang magkaproblema ang makina nito dakong 12:00 ng madaling araw.
Agad namang nakahingi ng tulong ang kapitan ng barko sa Coast Guard Station sa Basilan .
Matapos makatanggap ng distress signal, agad na ipinadala ni Coast Guard Station Basilan Commander CG CDR Chadley S Salahuddin ang Coast Guard Sub-Station Handi Muhtamad upang hanapin ang nasiraang barko.
Makalipas ang isang oras ay natagpuan ang barko at agad na tinulungan ang mga pasahero at tripulante nito na makalipat sa ligtas na lugar.
Sa tulong naman ng local government unit ng Hadji Muhtamad ay ligtas na nahila ang barko patungo sa Barangay Tausan, Pilas Island.
Ulat ni Baronesa Reyes