Iniulat ng Batangas Police Provincial Office na siyam na bus ang bahagyang napinsala dahil sa pagsabog sa Magnificat Transport Terminal Station sa Laurel, Batangas nitong Linggo, Setyembre 10, ng madaling araw.
Ayon sa Batangas police, isang granada ang itinapon sa bus station dakong alas-3:30 ng madaling araw ng hindi kilalang suspek. Nabasag ng pagsabog ang ilang bintana ng mga bus.
Sinabi rin sa police report na walang nasawi o nasugatan sa insidente.
“Sa ating mga mamayanan, ako po ay umaapila sa inyo na kung may alam kayo o may nakakakilala sa gumawa nito ay agad ninyong ipagbigay alam sa aming may awtoridad upang agad mapanagot ang mga ito,” sinabi ni P/Col Samson Belmonte.