Patay ang isang miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) matapos na pasabugin ng hindi pa nakikilalang suspect ang transmission line tower ng National Grid Corporation of the Philippines (NCGP) sa Kauswagan, Lanao del Norte.
Patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan ng nasawing miyembro ng BPAT.
Batay sa ulat ng PNP, ang insidente ay naganap dakong alas-12:00 ng madaling-araw sa Barangay Paiton, Kauswagan, Lanao del Norte.
Nakarinig umano ng dalawang magkasunod na pagsabog ang mga residente kasunod ng pagkawala ng kuryente sa lugar.
Sa pagresponde ng mga alagad ng batas sa lugar, na-recover ng mga ito ang isang improvised explosive device (IED) sa lugar at nakita rin ang bangkay ng biktima.
Agad ding nagtungo sa lugar ang mga tauhan ng NGCP upang maibalik ang supply ng kuryente.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulis at militar upang makilala ang nasa likod ng pagpapasabog at maaresto ito sa lalong madaling panahon.
—Ulat ni Baronesa Reyes