Anim na pinaghihinalaang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang nasawi habang pitong matataas na kalibre ng baril ang nakumpiska sa naganap na bakbakan nitong Huwebes ng umaga sa Barangay Campagao, Bilar, Bohol.
Ayon kay Lt. Col. J-Jay Javines, hepe ng 3rd Division Public Affairs Office, naganap ang engkwentro sa pagitan ng 7th Infantry Battalion at mga natitirang miyembro ng Bohol Party Committee na pinamumunuan ni Domingo Compoc alyas Eloy dakong 7:35 ng umaga sa nasabing lugar.
Nagtungo ang puwersa ng militar sa lugar upang rumesponde sa ulat ng mga residente hinggil sa presensiya ng mga rebelde sa kanilang komunidad.
Sa sumbong ng mga residente, nakakaranas sila umano ng pananakot mula sa mga rebelde kung saan puwersahan silang kinikikilan ng pagkain at iba pang pangangailangan.
Sa pagresponde ng tropa, anim na beses nilang nakasagupa ang grupo ng mga rebelde na nagresulta sa pagkasawi ng anim na kalaban at pagkakakumpiska ng mga baril .
Pinasalamatan naman ni Major General Marion R. Sison, commander ng 3ID ang mga residente sa lugar dahil sa patuloy na pakikipagtulungan ng mga ito sa militar laban sa masamang gawain ng mga rebelde. Itinuturing ng opisyal na isang malaking kawalan para sa rebelde ang naganap na engkwentro kung saan sila nalagasan ng anim na tagasunod.
“We will not stop until they will succumb into defeat or until everyone of them abandon their futile armed struggle. As such, am again calling the remaining CNTs in Regions 6 and 7 to return to the folds of the law or you will suffer the same fate as your comrades in Bohol,” pahayag ng opisyal.
Ulat ni Baronesa Reyes
(Photo courtesy of Philippine Army)