Tumaas sa 4.8 porsiyento noong Hulyo, mula sa dating 4.5 porsiyento, ang antas ng mga walang trabaho sa bansa habang pumalo sa 15.9 porsiyento ang mga kapos sa trabaho noong Hulyo, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Ayon kay PSA National Statistician Claire Dennis Mapa, dahil dito, nasa 2.7 milyong Pilipino ang walang trabaho noong Hulyo.


Pero, ayon sa PSA, mas mababa ang bilang na ito kumpara noong Hulyo 2022, kung saan nasa 5.2 porsiyento ang unemployment rate o katumbas ng 2.6 milyong walang trabaho noong panahong iyon.

Samantala, umabot naman sa 15.9 porsiyento ng mga manggagawang Pilipino ang kapos sa trabaho o underemployed noong Hulyo, kumpara sa 12 porsiyento noong Hunyo.

Ibig sabihin, nasa 7.1 milyong manggagawa ang hindi sapat ang sahod kung kaya kailangang maghanap ng iba pang pagkakakitaan.