Isinusulong ng mga senador ngayon ang pagpapataw ng mas mabigat na parusa sa mapatutunayang nananabotahe para lumikha ng artificial shortage sa pagkain at iba pang produktong agrikultural at manatiling mataas ang mga presyo nito.
Batay sa pinakahuling ulat na isinumite sa Senado, nabibilang hoarding, profiteering at cartel sa pamamaraan ng pagsabotahe sa supply ng pagkain gaya ng bigas at iba pang produktong agrikultural.
Ani Senator Cynthia A. Villar, chairperson ng Senate Committee on Agriculture, dapat na patawan ng panghabang buhay na pagkakabilanggo sa sinumang mapatutunayang nasangkot sa agricultural economic sabotage.
Samantala, kung may kasabwat na opisyal o empleyado ng gobyerno ang mga nananabotahe, partikular sa Bureau of Customs, bukod sa pagkasibak sa puwesto at mga kaso, hindi na rin sila papayagang magtrabaho sa pamahalaan magpakailanman.