Dalawang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang nasawi habang tatlong matataas na kalibre ng baril ang nakumpiska ng awtoridad sa naganap na bakbakan sa pagitan ng mga rebelde at militar nitong Sabado ng tanghali, Hulyo 22, sa Pambujan, Northern Samar.
Naganap ang bakbakan dakong 12:55 ng tanghali sa Sitio Badulan, Barangay Cagbigajo, Pambujan, kung saan rumesponde ang tropa ng militar upang alamin ang ulat na may mga rebelde umanong nangha-harass sa lugar.
Gayunman, bago pa man makarating ang mga sundalo sa lugar, agad silang sinalubong ng putok ng baril mula sa mga NPA. Tumagal ang bakbakan nang halos 20 minuto na ikinasawi ng dalawang rebelde at ikinasugat ng isang sundalo.
Napag-alaman na ang mga naka-engkwentro ng militar ay mula sa Squad 2, Front Committee 1, na pinangungunahan ni Jerry Lutao, alyas ‘Nadi’.
Na-recover umano mula sa pinangyarihan ng bakbakan ang dalawang M16A1 rifles, isang M14 rifle, mga kagamitan, at subersibong dokumento.
Samantala, pinapurihan ni Lt. Colonel Marvin A. Maraggun, commanding officer ng 19th Infantry Battalion, ang tropa sa matagumpay na operasyon.
“The program of the government is waiting for you, we will help you start a new life and live peacefully with your families,” pahayag ni Maraggun.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni Major General Camilo Z. Ligayo, commander ng 8th Infantry Division, na hindi titigil ang militar sa pagtugis sa natitira pang mga rebelde.
“Your Army in Eastern Visayas will be relentless in its pursuit of the remnants of the communist terrorists in Northern Samar to finally put an end to the last bastion of insurgency in the country,” ani Ligayo.
—Baronesa Reyes