Patay ang diumano’y mataas na opisyal at isang hinihinalang hitman ng New People’s Army (NPA) matapos na maka-engkwentro ang tropa ng militar ngayong Biyernes, Hulyo 21, sa Negros Occidental.
Sa ulat ng 62nd Infantry Battalion ng Philippine Army, kinilala ang napatay na sina Marivi Ebarle, alyas Ivan, kumander ng section guerilla unit (SGU) sa Central Negros. Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng nasawing hitman.
Nakatanggap umano ng impormasyon ang militar hinggil sa presensiya ng anim na rebelde sa Sitio Kawayanan, Barangay Montilla, Moises Padilla, Negros Occidental.
Sa pagresponde ng militar, agad silang pinaputukan ng mga rebelde na nagresulta sa bakbakan na tumagal ng 15 minuto, kung saan nasawi ang dalawa.
Nakuha umano mula sa pinangyarihan ng bakbakan ang .45 caliber pistol, 357 caliber revolver, 21 serviceable ammunition para sa .45 caliber firearm, anim na serviceable ammunition para sa .357 caliber revolver, dalawang steel magazines para sa .45 caliber pistol, medical kits, at dalawang backpacks na naglalaman ng personal na gamit.
Sinasabing sangkot ang mga napatay sa mga pandarahas at pangingikil sa Barangays Macagahay at Quintin Remo sa Moises Padilla, maging sa La Castellana sa Negros Occidental, at sa Canlaon City, Negros Oriental.
Ayon pa sa militar, sangkot din ang mga suspek sa mga kaso ng pagpatay sa mga sibilyan sa lugar.
—Baronesa Reyes