Aabot sa 30 kabahayan ang naabo makaraang sumiklab ang sunog sa isang residential area nitong Martes ng hapon, Setyembre 5, sa Cotabato City.
Ayon kay Cotabato City Fire Marshal Sr. Insp. Ike Lachica Jr., nagsimula ang sunog dakong ala-1:00 ng hapon sa isa sa mga bahay sa Barangay Rosario Heights 7 sa Gov. Gutierrez Avenue.
Mabilis na kumalat ang apoy na tumupok sa may 30 kabahayan na gawa sa semi-concrete at light materials. Tumagal ng dalawang oras ang sunog bago nagdeklara ng fire-out dakong alas-3:00 ng hapon.
Isa ang naiulat na nasugatan sa insidente matapos na pilitin nitong isalba ang mga gamit mula sa nasusunog na bahay.
Ayon kay Lachica, patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon upang malaman ang pinagmulan ng sunog habang tinatayang nasa ₱800,000 halaga ng ari-arian ang naabo.
Sa ngayon, ang mga apektadong pamilya ay pansamantalang nanunuluyan sa covered court ng barangay.
Inatasan naman ni Cotabato City Mayor Bruce Matabalao ang City Social Welfare Office na tiyaking mabibigyan ng tulong ang mga apektadong residente.
Ulat ni Baronesa Reyes