Tumaas ang seismic activity, o pagyanig, sa paligid ng Kanlaon Volcano sa Negros Island, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Batay sa update ng Phivolcs, umabot sa 36 volcanic earthquakes ang naitala mula alas-5:00 ng umaga noong Lunes ng umaga, Setyembre 4, hanggang ngayong Miyerkules, Setyembre 6. Kabilang sa pagyanig ang 34 volcano-tectonic (VT) earthquakes.
“These earthquakes ranged in energy from ML0.8 to ML3.4 and occurred at depths of 0 to 9 kilometers beneath the northeast flank of the Kanlaon range,” pahayag ng ahensiya.
Mas mababa naman ang ibinubugang sulfur dioxide ng bulkan mula sa bunganga nito noong Agosto 20 na nasa 412 tonelada lamang kumpara sa ibinugang sulfur dioxide noong Hulyo na nasa 623 tonelada.
Sinabi ng Phivolcs na batay sa ipinakikitang aktibidad ng bulkan, posibleng mauwi ito sa mas malakas na pag-aalburuto.
“While monitoring parameters in the past months have been consistent with shallow hydrothermal activity driven by degassing of deeper magma, ongoing VT earthquake activity indicates that fracturing at deeper levels is occurring and may possibly lead to further unrest,” paliwanag ng ahensiya.
Sa ngayon, ang Kanlaon Volcano ay nasa Alert Level 1 at posibleng maitaas sa Alert Level 2 sa sandaling magpatuloy ang pag-aalburuto nito.
—Baronesa Reyes